Miyerkules, Marso 28, 2012

GRADWEYT

'Di niya na daw mabilang kung ilang beses siyang pumapasok sa paaralan na walang laman ang sikmura. Maswerte na kung may saging siyang baon. Naranasan niya ng kumain ng asin at toyo para lang makapag-aral.

---Mga nakakapanlumong mga katagang namutawi sa bibig ng isang CLASS VALEDICTORIAN. Oo, sa kanyang Talumpating Pasasalamat, nangibabaw ang pagpapahayag nga katotohanang mahirap mag-aral lalo na't mahirap ka. Di na ako naluha. Paano pa ko iiyak, eh ang batang may Unang Karalangan ay humahagulgol na sa podium. 




Representante ang magaling kong Tatay ng nagiging magaling naming Mayor. Nagkasabay-sabay ang mga Commencement Exercises kaya't sa mga liblib na lugar ay si Dad ang pinapadala. Sumama syempre ang mas magaling niyang anak--tigahawak ng Program, tigabili ng Mineral Water at tigakain ng mga Meryendang kay sarap(Dudol, Bihon, Manok na Piaparan?etc...Muslim Area Kasi). Alas Otso E Media palang ay nandun na kami sa pinakamalayong barangay ng Bayan sa kapatagan --Datu Karon. Naghihintay na pala ang mga tao-mga magulang, magsisipagtapos, mga guro. Pagkababa na pagkababa sa Pajero, sinimulan na Program. Sinabitan ng Garland sa leeg si Dad. Ako man ay nagsabitan din..

Ang taas ng tingin ko sa sarili ko dahil nakapag-aral ako sa Siyudad... Ateneo pa. Sosyal. Kumpleto ako sa mga kinakailangan ko. Pagkain, allowance, Tirahan, atbp. Sagana naman akong maituturing pero inaabot ako minsan ng pagiging reklamador. Naghahanap ng mas marami, minsan sobra na sa kailangan. Napakaswerte ko pala kung ikokompara sa kanila. Isang pampamulat-mata ang karanasan ko ngayong araw na tunay ngang ang Edukasyon ay Dapat para sa lahat, hindi nga lang lahat may pagkakataong makamit ito. Mahal ako ng Diyos at nakapag-Kolehiyo ako. Eh, sila? Pagkatapos nitong Graudation Song, makakapagpatuloy pa kaya sila kahit Highschool man lang? 

Nakakatuwa ding isipin kung paanong pinagbigyang-diin ng mga Guro't Panauhing Pandangal ng TRAN ELEMENTARY SCHOOL at DATU KARON ELEMENTARY SCHOOL ang kahalagahan ng aktibong partisipasyon ng mga MAGULANG, (NANAY AT TATAY) sa mga gawaing pampaaralan. May dula-dulaan ang mga nasa mababang baitang na pasimpleng nagpapatama sa mga Magulang lalo na ang PTA(Parents Teacher's Association). Hindi na raw umaattend sa mga pagpupulong sapagkat puro mga School Fees lang din naman ang pag-uuspan. Dagdag Bayarin na siyang pinakaayaw ng mga Magulang sa hirap ng Buhay sa ngayon. Haha. Ayos ang istorya. Kahit pambata ang kwento'y tagos naman sa mga budhi ng mga magulang na naroon.
K+12 pa naman sila ngayon. Dagdag pasanin talaga pero sa sipag at tiyaga'y naniniwala akong kayang-kaya.

Kakapagod. Napakainit, Ngunit sulit naman sa mga munting aral ang Araw na 'to. Natutunan kong mas pahalagahan pa ang biyaya ng Edukasyon, na ito'y napakahalaga at ito'y hindi basta na lamang nariyan at kukunin...kundi ito'y pinagsisikapang matamo. Ang edukasyon, gaano man kailap ay kailangang maangkin ng isang tao. Susi nga sa tagumpay. Daan sa mas maliwanag na kinabukasan. Tulay sa Pagbabago.

Sabi nga sa Tema ng mga Pagtatapos ngayong taon," ALAY na KAALAMAN, GAMIT NAMIN SA PAG-UNLAD BAYAN"... Ang gagaling talaga nitong mga taga-DepEd. Malamim pa sa balon ang pakahulugan ng paksa. Naintindihan naman kaya ng mga Graduates na LEBAKENIO?

Hahaha...Nakakatuwang isipin na unti-unting nagiging mas maliwanag ang bukas ng bayan. Ngayong taon, ilang daan mga mag-aaral at estudyante na naman ang nagsipagtapos kapwa sa Elementarya, Sekondarya at Kolehiyo. Panalangin ko lang ay SANA'Y mapakinabangan ng ating bayan ang mga ANAK nito.
 Tulad ko sana ang pag-iisip ng mga kapwa kong Kabataan ng Lebak, na handang iaalay ang angking talino's kasanayan sa ikauunlad ng ating bayan. Napapangiti ako sa tuwing maiisip ko ang malaking posibilidad na maaring marating ng Lebak sa panahon ko at ng aking mga kasabayang henerasyon. 

Patuloy tayo sa pagtahak sa landas ng karunungan sa gabay ng ating mga magulang at pagmamahal ng Poong Maykapal dala-dala ang maningning nating pangarap para sa Bayang tayo ang pag-asa. Kailangan ka ng bayan mo...

GRADWEYT.