Biyernes, Pebrero 17, 2012

BUSERA



Tanging kumukurap-kurap na liwanag mula sa bangkang-ilawan ang tanaw ng malabnaw na paningin ng maninisid mula sa pagkakalubog sa laot. Sa kailaliman naman ay mukhang sagana ang biyaya ngayong gabi sapagkat nakakasilaw ang kakapalan ng mga isdang umiikit na parang tambyolong pilak.
Nangangalay na ang kanyang mga braso’t balikat sa kakasisid. Pababa’t  pagkatapos ng mga limang minuto ay aahon din pataas ang ulo’t  hahabol ang hininga.
Bagamat napakalamig ay hindi na ito alintana ni Badeek na mahigit kalahating oras na rin sa dagat. Mas malakas at paiba-iba ang agos kung kaya’t kinailangan ang masusing pagsubaybay sa apong. Pautakan kung sa papaanong paraan maiaahon ang tone-toneladang grasya. 
Siguro’y napagtanto na kung anong diskarte ang pinakamainam gamitin, sinenyasan niya si Oliver, ang sunog at bruskong ngunit masigasig na Maestro ng panagatan. Sumaklay si Badeek sa daydayang kawayan at doo’y nilahad ang sitwasyon sa ibaba.
“Bastante ang kabuhayan Brad”
“Mga pila istimet mo?”
“Galilo pa man ang isda. Pamatyagan ta anay.”
“Saka na dire sa taas kay birahun ta na dayon ni…PLASTAR!”
Utos ni Maestro kaya’t dali-daling nagsibangon ang mga mananagat at nagsipuntahan sa kani-kanilang pwesto. Naghahanda na sa aryada si Oliver at pinakikiramdaman ang galaw ng isda. Sa kanyang paglalakad ay hindi sinasadyang nasagi niya ang humihilik pang kasamahan.
Sarap na sarap pa sa kanyang pagkakahimbing ay tinadyakan siya ni Oliver. Kada gabi nalang tulog-mantika itong si Alfie. Sapul sa sikmura ang matinding tama kay Alfie. Naaalimpungatang tumayo ang baguhan at bago pa man makapagtanong kung ano na ang mga nagyayari ay papitik namang binigyan ulit siya ni Oliver sa bandang dibdib sabay abot ng kanyang antiparang panisid. Mabantot pa ang amoy ng natuyong laway sa mukha nitong si Alfie. Paano kasi’y nakasubo ang kanyang hinlalaki tuwing siya’y natutulog. Gising na’y hindi pa rin siya madapuan ng diwa. Takot na matamaan sa pangatlong pagkakataon, mabilis niyang isinuot ang antiparang panisid at nakapikit na lumukso una ang ulo sa dagat.
BLAGSH!
Eksaktong sa kinalalagyan ni Badeek lumagapak si Alfie. Anupa’t napukaw ang kanyang kamalayan sapagkat isang matigas na bagay ang kanyang kinabagsakan sa halip na ang tubig. Nagyeyelo sa lamig ang dagat ngunit mas iniinda ni Alfie ang sakit ng kanyang ulo habang patuloy silang dalawa sa pagdausdus pailalim.
Lubhang nasaktan si Badeek. Namula ang dagat bagamat hindi ito aninag sa taas. Matingkad naman ito sa paningin ni Alfie kaya’t sa pag-aalala’y nilapitan niya ang sugatang si Badeek.
“Choks ka lang ba?”
Yakap-yakap ni Alfie si Badeek habang nakahimlay naman ang lalake sa kanyang balikat. Damang-dama ni Alfie ang init ng katawan ng binata. Animo’y huminto ang oras nang sila’y magkasama. Tila baga ito’y pagpapatuloy ng naputol niyang panaginip.
‘Di umano’y masaya siyang namumuhay kasama ang kanyang matipunong Prinsipe sa isang malawak na kaharian ng sangkadagatan kung saan siya ang Reyna’t ang mga lamang-dagat ay tinitingala siya. Nababalot ng pagmamahalan at romansa ang kanilang pagsasama at sa panghabang-buhay ay magkapiling silang dalawa. Gagawa sila ng maraming anak attt…..
…At lumutang na ang dalawa. Nakainom ng tubig alat itong si Badeek at muntik din malunod ang ilusyadong si Alfie. Nang maliwanagan sa kanyang kinaroroonan, madaling kumawala si Badeek sa mahigpit na pagkakayapos ni Alfie. Patay-mali siyang umakyat muli sa sampana na parang walang nangyari. Agad namang sumunod si Alfie.
“UNO…DOS E ALAS…TREEEE---ESSS!!”
Umugong na ang pinaandar na makina at sa ilang sandali ay sisimulan na ang aryada. Dahan-dahan nang sinumulan ang pag- “terin- terin” upang ihawalay ang payaw sa  lipon ng isda na siyang sasabay sa ilaw ng bangkang-ilawan.
Hitik ang magiging ani. Sinisigurado ng mga mananagat na mahusay maisasagawa ang operasyong ito. Si Oliver bilang Maestro ay tutok na tutok. Walang ibang iniisip kundi ang epektibong paraan ng paghuli ng  mga isdang ito. Sa isip niya’y naglalaro ang nakakalulang dami ng tumatalamsik na Galunggong at banye-banyerang Matambaka.  Mapapakain niya na ang kanyang mga anak at gayun din ang mga anak ng kanyang mga kasamahan. Maya-maya’y titingin sa ilaw, at mamya’y sa galaw ng tubig at mamya’y sa kanyang mga tauhan naman..
Handa na ang lahat…
“ARYA!!!!”
Bumuga ang usok mula sa tambutsong konektado sa makinang humahataw. Kumaripas ng takbo ang sampana at rumaragasa ang alon sa bandang puwetan kung saan ang elisi ay nagpapakitang gilas na din.
Gumihit ng perpektong bilog ang tinahak na ruta na pinaglagakan ng dakilang lambat na nagmistulang  lumulutang na rosaryo. Pinagtagpi-tagping daliri ang lambat na bumabalangkas ng mga dibuhong ekis na humahati sa panatag na dagat. Patitikmin lang ng kunting alat, padadaanin lang sandali sa basang tubig at agad ding paangatin. Pag-angat minsa’y may dalang isda, minsan din ay wla.
Maliksing hinila pataas ang lambat at may panaka-nakang Matambakang nabigong tumakas at naipit sa mata ng lambat. Kulong sa gitna ang isda at pinagmamadali ni Maestro ang mga mananagat. Mas mainam kung matatapos agad ang trabaho bago sumikat ang Haring Araw.
Abalang abala ang lahat ngunit hindi itong magkapares na maninisid na sina Alfie at Badeek. Sa gitna ng maingay ngunit determinadong pagbabanat ng buto ng nakararami ay tahimik namang iniinda ni Badeek ang kanyang punit sa bandang kaliwang anit. Hindi naman kalakihan ang sugat ngunit talaga namang napakahapdi. Banaag sa kabalintunaan ng karakas ni Badeek ang pinagdadaanan nito. Marahil dahil sa asin na nasa dagat ay mas kumikirot ang sugat.
Astang barako, nilapitan ni Alfie ang kasamahang nagpapakasakit. Tinapik ni Alfie sa may balikat si Badeek at sinindihan pa siya ng yosi. Puno ng dugo ang malong ng binatang ipinantabon niya upang tumila ang daloy.
“Sakit pa Brad? Ti, nga daw gahibi ka haw? Mahina eh!”
Nagtitimpi lamang si Badeek. Gustong gusto na niyang gantihan ang Mokong ngunit alam niyang magkakagulo lang lalo na’t ang isda ay malapit nang mahuli.
“Wala hibiay ah!”, pabalang na hamon ni Alfie kay Badeek.
Ngunit nang muling magtagpo ang kanilang mata’y natangay na ng paghihiganti si Badeek. Hinugot niya ang malong at ipinulupot ito sa leeg ni Alfie. Nanlaban si Alfie ngunit sadyang malakas ang lalaking si Badeek. Nagsisigaw na sa pagmamaka-awa si Alfie. Kawawa…Nangingitim na.
Napansin ni Oliver ang ingay sa may looban at natagpuan ang away na nagaganap. Nasa punto na ng pagkakapatay ng isda sa lambat ng iniwanan ito ni Oliver para pigilan naman ang aktong pagkakapatay ni Badeek kay Alfie. Dinakma niya sa likuran ang dalawa na para bang isang sentinyador na hinahawakan ang mga panabong na tandang. Nag-uusok sa galit ang Maestro at sa matinding pagkakairita ay tinapon na lamang ito sa dagat upang matahimikan.
Dagling bumalik si Oliver sa trabahong malapit ng matapos. Naubos nang hilain ang taling magsasara sa lambat. Wala nang kawala ang isda at nanlilisik na ang mata ng mga mananagat. Sabik sa isang napakalaking huli. Inaangat na ang lambat na punong-puno ng Bariles, Matambaka, Tulingan at Kabalyas. Napakabigat. Napadami. Dahan-dahan. Dahan-dahan…
BANG!
Napatid ang lubid sa ibaba at napunit ang lambat dahil sa ‘di makayanang bigat ng isda. Nabuhos pabalik sa dagat ang mga isdang nakawala’t bumulusok sa iba-ibang direksyon. Nakatakas ang huli. Walang natira kundi ang kakarampot na Galunggong na di pa nga napuno ang isang batya. Ang sana’y saganang ani ay nauwi sa wala. Pera na, naging bato pa.
Nanghihinayang si Oliver, maging yaong mga humila ng lambat.
Titig na ang araw at nakikita na ang lupain. Prusisyon sa bagal ang gapang ng sampana papunta sa sunod na aaryahan. Pinaglahuan ng sigla ang kani-kanina’y ganadong mga mananagat. Sariwa pa sa alaala ang masakalap nilang kapalaran na tigib ng paghihinayang. Kung mas pinagtuunan sana ng pansin ni Oliver ang trabaho ay marahil nagsasaya sila ngayon. Kung bakit pa kasi umeksena ang dalawang ungas. Napariwara tuloy ang buhay ngayong araw. Malas!
Ang dating mala-pyestang agahan tuwing umaga, kung saan maligayang pinagsasaluhan ang langhap-sarap na sabaw ng Matambaka at nagmamantikang sinugbang Bariles, ngayon ay nakakabinging katahimikan ang nangingibabaw. Sa bawat plato noo’y gabundok ang laman, tinipid na kanin na lamang ang nakahain ngayon. Kutsara ng mananagat ang pasmadong mga kamay at ulam nila’y pinaglumaang daing at ginisang sardinas. Mangingisda nga sila’y huli naman ng iba ang bumubusog sa kanilang sikmura.
Samantalang pilit na nilulunok ng mga kasamahan ang kinuriputang pagkain, sarap na sarap namang nilalasap ni Alfie ang bawat butil ng kanin at hati ng isda. Sa katotohanan ay kulang talaga ang pagkain ngunit para sa kanya ay sobra-sobra na. Yaon pala’y inuulam niya na din sa tingin ang pinagpapawisang katawan ni Badeek. Busog na busog siya sa pagpapantasya sa bato-batong hubog ng binata na kumakain din sa harap niya. Bawat subo ni Badeek, sa isip ni Alfie ay kanyang nginumnguya. Tuwing lulunok naman si Badeek ay parang kinakalabit ang tagiliran niya. Tunay ngang naliligayahan si Alfie at bahagyang napatawa. Napansin na siya ni Badeek na naglalaway na para bang may kinalilibugan. Naririnding lumayo sa paningin ni Alfie ang binata. Pakiming ngumiti si Alfie at tinapos ang paghigop sa malagkit na sabaw.
            Matapos ng makagpahinga ng saglit ay kinailangang tahiing paunti-unti ang butas sa lambat sapagkat isang madugong operasyon na naman ang magaganap kinagabihan. Pinaghahanap ni Oliver ang sinulid at iba pang gamit panahi sa lambat. Wala ito sa dating pinagkaka-ipitan sa bandang Altar ng sampana. Hinalughug niya pati ang kasuluk-sulukang maaring pagtaguan ng mga ganong bagay.
May nadakma si Oliver na isang pulang karton. Naglalaman itong ng kung anu-anung mga pampaganda tulad ng suklay, pulbos na nakapangalang ‘Lewis and Pearl’ at mga paketeng pampaputi na may nakasulat na ‘Ponds’. Idagdag pa ang salaming biluhaba na narungisan ng mga pulang marka ng lipstick. Hindi pangkaraniwan ang naramdaman ni Oliver ng mga sandaling ‘yun. Asawa lamang ni Oliver ang kilala niyang may ganito Nagtataka siya’t nagtatanong.
“Sin-o tig-iya sini?!”, bulong ni Oliver sa sarili.
 Sa bandang baba ng karton ay may nadikit na pangalan, “FIFI”.
Di na masyadong pinagtuunan ng pansin ni Oliver ang bagay na natagpuan sapagkat mas malaking problema ang dapat asikasuhin. Pinangunahan ni Oliver ang pagkukumpuni ng nadisgrasyang lambat. Kay laki ng naging pinsala sa lambat na hindi kakayaning masarado ang butas sa loob ng isang araw. Gayunpaman, tuloy parin ang laban. Bawat tusok papasok at palabas ng mga karayom sa mga mata ng lambat ay isinasagawa ng may pag-asa’t katuparan ng pangarap.  Mapapansing determinadong bumawi si Oliver at sa pagkakataong ito, panalangin ng lahat na magtagumpay na.
Buong maghapon ay pagtatahi lamang ng lambat ang inatupag ng halos lahat ng mga kasama sa panagatan maliban sa mga taong nakatalaga sa makina ng bangkang-ilawan na sa halip maghigpit ng turnilyo at sinigurado ang kondisyon ng kanilang alaga ay namamasol nalang sa payaw na iilawan.
Hindi namalayang lumipas na ang labing dalawang oras na walang usapan ni kibuan.
Parang kandilang nauupos ang malumanay na paglubog ng araw. Nangungulimlim na’t walang ningning ang buwan. Ni bitui’y hindi kinakitaan ng kislap. Mas mainam tuwing madilim sapagkat mas mas madaling maiipon ang isda. Sinakop ng matinding karimlan ang langit at ang karagatan.
 Pinaandar na ang mga ilaw sa bangkang-ilawan na siyang bumasag sa panandaliang kawalan ng liwanag.  Sa isang iglap pagkailaw, bumulusok pagitna ang makapal na apong.  Dinig maging sa malayo ang talsik ng maliksing pagtatampisaw ng lipon ng mga isda. Pinaglalaruan nila ang liwanag na tumatagos sa dagat mula sa bombilya ng bangkang-ilawan. Aliw na aliw sila sa sinag na para bang naghahamong hulihin sila ng mananagat. Mas kagimbal-gimbal ang dami! Gintong pagkakataon na ulit ang siyang lumalapit.
Habang tulog ang karamihan upang makaipon ng lakas, milagro namang gising at kanina pa nakikipaglanguyan sa mga piling ng mga isda si Alfie. Nauna na siyang sumisid kaysa kay Badeek. Takot na siyang masabunan kaya’t lumusong na bago pa man makapagsindi ang bangkang-ilawan. Minabuti niyang magpalipas ng tagong sandali sa dagat.
Pagkailaw ay nasilaw siya hindi dahil sa bombilya sa itaas kundi dahil sa kinang ng nagsilabasang pinilakang lipon ng isda. Iniiwasan niyang huwag masyadong lumapit sa kanila nang hindi mabulabog. Nadinig niya ang musika ng mga isdang umawit ng kaligayahan. Mala-balirina siyang sumirko-sirko sa saliw ng awitin.  Sinasabayan siya ng isda na mistulang sumasayaw sa indak ng pahampas-hampas na alon.
Sa unang pagkakataon ay naramdaman ni Alfie ang pagiging tanggap. Malaya siya sa piling ng mga isda. Hinubad niya ang suot niyang antiparang panisid at isinablay sa may leeg. Buong pagmamalaking niyang ipinamalas ang kagandahan niyang angkin. Pinakawalan niya ang tunay niyang pagkatao. Nagpakalupasay siya’t nilasap ang tamis ng katotohanan. Walang pagkukunwari. Walang pagpipigil. Inaangkin niya ang sandaling siya ay siya. BABAENG BABAE.
Naputol ang mahiwagang sandali ni Fifi nang sa ‘di kalayuan ay may lumukso. Nagtaboy at nagsi-alisan ang mga isda sa kanyang paligid. Ang mga puting bula na nabuo sa kanyang pagkakabulusok ay nagmistulang kaliskis sa mahubog na pangagatawan ng lalaking nakatawag pansin kay Fifi.
Sa unang tingin ni Fifi, ang lalaki ay isang Sirenong hulog ng langit para kumpletuhin ang kanyang pagka-babae. Unti-unting naglaho ang mga bula at naliwanagan ni Fifi na ang inakala niyang Sireno ay walang iba kundi si Badaeek. Naglaladlad na lang rin naman si Fifi, naglakas loob na siyang magtapat ng tunay na nararamdaman kay Badeek. Nakapagpalakas pa ng kanyang loob ang sitwasyong sila ay nasa dagat-ang kanyang tahanan.
Anupa’t nagkaharap na nga silang dalawa.
“Alfie??”
 Litaw ang ulo’t nakalubog naman mula leeg pababa. Nagtagpo ang kanilang mata. Hinawakan ni Fifi ang magaspang na kamay ni Badeek. Huminga siya ng malalim at hinawi ang lalamunan.
“Bal-an mo Badeek…Dugay ko na gusto hambalun ini….--.”
“UNO…DOS E ALAS…TREEEE---ESSS!!”
Umugong na ang pinaandar na makina at sa ilang sandali ay sisimulan na ang aryada. Dahan-dahan nang sinumulan ang pag- “terin- terin” upang ihawalay ang payaw sa  lipon ng isda na siyang sasabay sa ilaw ng bangkang-ilawan.
Hindi naman pinahintulutan ng pagkakataon ang pagtatapat ni Fifi. Kinailangan nilang magmadaling umakyat sa sampana at kung hindi ay maiiwan silang dalawa. Sa tulin ng kanilang paglangoy ay nakuha pang isipin ni Fifi na ito’y isang karerang siya’y naghahabol sa kanyang pag-ibig na si Badeek. Tyempo namang kakaakyat lang ng dalawa bago rumatsada ang sampana.  
“ARYA!!!!”
Bumuga ang usok mula sa tambutsong konektado sa makinang humahataw. Kumaripas ng takbo ang sampana at rumaragasa ang alon sa bandang puwetan kung saan ang elisi ay nagpapakitang gilas na din. Gumihit ng perpektong bilog ang tinahak na ruta na pinaglagakan ng dakilang lambat na nagmistulang lumulutang na rosaryo. Pinagtagpi-tagping daliri ang lambat na bumabalangkas ng mga dibuhong ekis na humahati sa panatag na dagat. Patitikmin lang ng kunting alat, padadaanin lang sandal sa basang tubig at agad ding paangatin. Pag-angat minsa’y may dalang isda, minsan din ay wla.
Tulad nang naunang aryada, ganadong ganado ang mga mananagat. Bigay-todo sila sa paghila ng lambat. Nanlilisik muli ang mata ni Oliver at ang katuparan ng isang grandiyosong huli ay malapit nang makamtan. Malimit na ang Matambakang nabigong tumakas at naiipit sa mata ng lambat.  Kulong sa gitna ang isda at pinagmamadali ni Maestro ang mga humihila.
“BIRA!”
Bumilis at lumakas pa ang paghila ng mga mananagat sa lambat. Maging si Alfie ay tumulong na rin sa trabaho. Tumabi pa siya sa kinalalagyan ni Oliver para mapakitang may maibubuga din siya. Ngunit sadyang mabigat ang gawaing paghila ng lambat pataas kaya’t di maipakakailang nahihirapan na si Alfie. Habang tumatagal ay lumalambot na si Alfie at nagsimulang pumilantik ang kanyang kamay. Hingal-babae si Alfie at likod ng palad ang ginagamit niya tuwing magpupunas ng pawis. Ilang hagod nalang at tapos na ang trabaho at magtatagumpay na.
Walang anu-anu’y NAMATAY  ANG ILAW mula sa bangkang-ilawan…Nabulag sa kadiliman ang lahat!  Walang anumang makikita. 
“Ipagawas ang flashlight! PADAYON kamu dah!”, utos ng Maestro.
Bilang pinakamalapit kay Oliver,si Alfie ang lalamya-lamyang tumakbo para sa flashlight. Kinuha ito at agad inabot kay Oliver. Pagkakuha ng flashlight ay dagling pinailaw at itinutok sa lambat.
Huli na ang lahat. Umaapaw na palabas ang isda na dumaan sa lumubog na pampalutang ng lambat. Tinangka pang maisalba ang sitwasyon ngunit sadyang huli na ang lahat. Oonga’t naiangat ng tuluyan ng lambat ngunit ang laman ay kaunti pa sa nakaraang gabi.
Nag-aapoy sa poot ang Maestro sa muling kapalpakan. Nagsisisigaw sa masidhing paghihinayang si Oliver. Pinagsususuntok niya ang dingding ng looban at nalaglag ang pulang karton. Kumalat ang mga bagay na nasa loob nito. Napahinto si Oliver. Dinampot niyang lahat at lumapit sa kinatatayuan ni Alfie. Hinigpitan niya ang kapit sa pulang karton hanggang sa mabiyak ang biluhabang salamin. Nagdurugo na ang kanang palad ni Maestro samantalang sa kaliwa naman ay mas mahigpit ang kapit nito sa buhok ni Alfie. Inararo niya’t ipinakita ang kalunos-lunos na si Alfie sa lahat ng nasa sampan sabay sigaw…
“BAWAL ANG BAYOT DIRE ALFIE!”
“FIFI akon pangalan!!”
Nilampaso ni Oliver ang mukha ni Fifi sa lambat. Litanya ng pambubugbog ang tinamasa ng kaawa-awang si Fifi. Isang brutal na pananakit ang ginagawa ni Oliver, na ang mga mananagat maging si Badeek ay walang magawa kundi ang kahabagan si Fifi. Nang makontento’t napagod ay tumigil din si Oliver.
Duguan ang mukha at baldado ang katawan ni Fifa matapos ang kalbaryo ngunit hindi natinag ang kaluluwa’t tumibay pang higit ang pagkatao niya. Kalmado itong tumayo sa kanyang paa at hindi nagpakita ng anumang panlalaban o pagsisisi si Fifi. Kinimkim niyang lahat ng hapis at inipon ang kanyang mga gamit at isa-isang isinilid sa pulang karton. Sa leeg niya’y hinubad ang antiparang panisid at puno ng dignidad na inilatag sa paanan ni Maestro.
Sabog man ang mata’y tinitigan niya isa-isa ang mga kasamahang mananagat. Pagkatanaw kay Badeek ay pumatak ang isang butil ng luha ni Fifi. Hanggang humagulgol na nga si Fina sa isang matinis at pinong paraan.
Tumapat siya sa daydayang kawayan sa bandang gilid nga sampana. Huminga ng malamim at sumisid una ang ulo. Sa dagat ay naghalo ang kanyang luha sa tubig alat.


                                                                                                            Juno Marteen Vegas
            BSA-2A
January 26, 2012

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento