San Vicente Ferrer |
Dinarayo ng mga debotong Lebakenio ang Simbahan ng Brgy. Purikay tuwing sasapit ang Abri upang makiselebra ng kapistahan ni San Vicente Ferrer. Bukod sa Banal na Misa at sa masasarap na pagkain sa mga bahay-bahay ay pinakaaabangan ang panata ng taunang isinasagawa- ang PATAPAK.
Pagkatapos ng Misa ay pumipila ang mga namamanata sa harap ng mga
Ministro upang “magpatapak”. Hawak-hawak ng Pari at mga Kaabag ang mga Santos
na Vicente Ferrer. Isa-isang ipinapatong
ang mga Santos sa ulo ng mga tao na animo’y tinatapakan ni San Vicente Ferrer
ang deboto. May mga dala din ang ilang mga kagamitang “pinatatapakan” din tulad
ng mga damit, libro, atbp.
Dagsa ng taong nagpapatapak kay San Vicente Ferrer |
Samu’t saring mga nilikha ng Diyos ang pumaparoon taun-taon. Bata, matanda, binata o dalaga, magkakapamilya at magkakaibigan, mayaman at nagdaralita, mga angat sa lipunan at yaong ordinaryong mamamayan, ay nagtipon-tipon upang makiisa sa pagdiriwang ito kasama ang mga kapwa Lebakenio. May nananalangin ng kasaganahan, paggaling ng sakit, kapatawaran ng kasalanan, pasasalamat, petisyon-lahat para sa pagsamba sa Kanyang dakilang pangalan.
Kung bakit ganito ang pananampalataya ng mga kababayan natin
kay San Vicente Ferrer ay hindi ko maipapaliwanag. Ngunit sa eksperyensya at obserbasyon,
hindi rin maipagkakaila ang mabuting dulot nito sa buhay at pakikipagrelasyon
sa kapwa tao.
Kung susuriin, simbolo ng pagpapakumbaba ang pagpapatak.
Ipinapaalala sa lahat ng may mas mataas sa atin, na Siyang dapat kilalanin, paniwalaan
at sambahin. Habang nakayuko at nagpapatapak, inaangkin ng deboto ang kanyang
mga kalakasan, kahinaan, at buong niyang pagkatao at inaalay itong lahat sa
Poong Maykapal.
Sa ulo din ipinapatong ang Santo at hindi sa anumang bahagi ng katawan, sapagkat sa ulo ang kontrol
pag-iisip at kilos ng tao. Matatandaang may ang Santong si Vicente Ferrer ay
may hawak ng libro bilang sa kaliwa niyang kamay na nagpapatunay na siya ay
matalino at marapat ding panalanginan ng mga nais magkamit ng karunungan at
mabuting asal.
Mainam na ating mapag-alaman bilang Lebakenio ang mga ating
mga tradisyon at kulturang panrelihiyon. Tanda ito ng ating pagkamakabayan na
siyang magbibigay sa atin ng natatanging pagkakakilanlan bilang isang totoong
Lebakenio. Marapat din na bigyan natin ng akmang pagpapahalaga ang ating mga
panata’t debosyon para na rin sa ating sariling kapakinabangan at gayonrin,
upang mas lalo pang mapayabong ang ating mga pinakaiingatang paniniwala at
tradisyon nang sa ganon manatiling buhay ang panatang ito ng “Patapak” hanggang
sa mga susunod na henerasyon.
Kung Lebakenio ka, kadto sa Purikay kag magpatapak ka…:D
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento